Nagkaloob ang Aboitiz Renewables, Inc., ang renewable energy arm ng Aboitiz Power Corporation (AboitizPower), ng sampung (10) computer sets sa Kolehiyo ng Subic sa pakikipagtulungan sa Office of the Congressman. Layunin nitong mapalawak ang digital access ng mga estudyante mula sa Olongapo City at mga kalapit na bayan.
Tinatayang aabot sa 7,896 mag-aaral ang makikinabang sa kabuuan ng mga kasalukuyan at bagong computer units ng kolehiyo, na inaasahang makatutulong sa kanilang pananaliksik, pag-aaral, at iba pang akademikong gawain.
Ayon kay College President Dr. Rosely H. Agustin, hindi na maituturing na luho ang teknolohiya sa kasalukuyan kundi isang mahalagang pangangailangan. Aniya, nagsisilbi itong makapangyarihang kasangkapan para sa pananaliksik, paglinang ng kasanayan, kolaborasyon, at pagpapalawak ng pagkamalikhain ng mga estudyante—ngayon at sa hinaharap.
Samantala, binigyang-diin ni Sharron Manzano, Stakeholder Relations Manager ng Aboitiz Renewables, na layunin ng kanilang inisyatiba na mapaunlad ang kaalaman at kakayahan ng mga mag-aaral mula sa Olongapo at mga karatig-lugar, gayundin ang suportahan ang mga guro sa mas epektibong pagtuturo. Sa pamamagitan nito, mas nahahanda ang mga estudyante upang maging globally competitive at future-ready sa anumang larangang kanilang tatahakin.
Sa kabuuan, patuloy na pinatitibay ng Aboitiz Renewables ang kalidad ng edukasyon sa Kolehiyo ng Subic sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga computer set—bahagi ng mas malawak nitong programa para sa community development sa Subic at Olongapo City.





